-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na magpapatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante sa Bicol sa kabila ng pagkasira ng maraming paaralan dahil sa Bagyong Tisoy.

Sa isinagawang Rapid Damage Assessment Report (RADAR) ng ahensya, pumalo na sa higit P1.1 billion ang pinsala sa school infrastructure mula pa lamang sa 10% ng mga division offices sa Bicol at maliban pa sa nasirang school furniture, learning materials at computer equipment.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DepEd Bicol Director Gilbert Sadsad, sinabi nitong “resilient” ang mga guro sa kabila ng nangyari sa kanikanilang mga tinuturuang paaralan.

Dahil sa kanilang sinapit, sinabi ni Sadsad na posibleng magsagawa na lamang ng double shifting ang mga guro o magsagawa ng klasea sa mga gym, library at opisina o kaya ay maglagay ng temporary structure na may bubong lamang at dingding bilang proteksyon.

Hihiram naman ang ahensya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga tent.

Bukas rin ito sa pag-extend ng school calendar ng isang linggo mula sa Abril 2 na orihinal na pagtatapos para sa make-up classes.

Kasabay nito ay umaapela nang pag-unawa ang opisyal mula sa mga magulang ng apektadong mga mag-aaral.

Samantala, napag-alamang ubos na ang Quick Response Fund (QRF) ng DepEd kaya’t maghihintay muna bg alokasyon para sa taong 2020 upang maumpisahan na rin ang pagsasaayos ng mga nasira ng bagyo.