-- Advertisements --

CEBU CITY -Nagpapatuloy pa ngayon ang isinagawang imbestigasyon ng Cebu City Fire Office kung ano ang sanhi sa nangyaring sunog kahapon, Nobyember 18, na tumama sa Cebu City Sports Center.

Una rito, natanggap ng mga bumbero ang alarma dakong alas 9:38 ng umaga at itinaas ang alarma alas 9:41.

Tinamaan ng sunog ang isang bahagi ng gusali, na gawa sa halo-halong materyales.

Nabulabog din ng sunog ang mga klase ng Abellana National High School kung saan ginamit ang ground floor ng gusali bilang silid-aralan nito.

Wala namang naiulat na nasugatan ngunit hindi bababa sa 25 indibidwal ang naapektuhan.

Ang nasunog na gusali ay dati nang naging dormitoryo hanggang sa ito ay isara dahil sa pandemya.

Nagdulot pa ng makapal na usok ang mga bed foam na ginamit ng mga atleta noon nang sumiklab ang sunog.

Pinaghihinalaan naman ng pamunuan ng CCSC na posibleng electrical problem ang sanhi ng sunog ngunit magsasagawa pa ang mga otoridad ng karagdagang imbestigasyon.