Umabot na sa tatlong bilyong piso ang halaga nang iniwang pinsala sa agrikultura ng bagyong Agaton partikular na sa mga lalawigan ng Bicol, Western at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccksargen, at Caraga.
Ang mga pagguho ng lupa at matinding baha na idinulot ng pananalasa ng nasabing bagyo ang itinuturong dahilan ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Fermin Adriano sa pagkasira ng mga pananim na palay, prutas, fish pens, at iba pa.
Aniya, naglaan na ng nasa humigit-kumulang na P500 million na pondo ang kagawaran para sa rehabilitation effort ng kagawaran, P100 million naman para sa credit program, habang P88 million para naman sa kanilang programang libreng punla, at P30 million para sa budget ng livestock.
Samantala, batay naman sa datos ng National Disaster Agency ay umakyat na sa 212 ang bilang ng mga nasawi nang dahil sa nasabing kalamidad habang nasa 132 naman ang kasalukuyang pinaghahahanap pa rin ng rescue team.