BACOLOD CITY – Patuloy ang kooperasyon ng Ph Embassy sa Belgian authorities sa pag track sa isang Pinoy na nag positibo sa Coronavirus disease (COVID-19).
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Philippine Ambassador to Belgium Eduardo Jose De Vega, sinabi nito na patuloy silang naka-monitor sa kalagayan ng mga Pilipino doon at ang isa nga rito na nagpositibo ay patuloy na hinahanap kung saang hospital at ICU ito naka-admit para mabigyan din ng karampatang tulong.
Una nang umapela ng dasal ang pamilya ng COVID-19 positive na Pinoy para sa agarang paggaling nito.
Dagdag pa ni Eddie, maaaring umabot pa hanggang Mayo na naka-lockdown ang Belgium dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
Sa ngayon ay naka-work at home ang Philippine diplomats sa Europe kabilang na ang Belgium, ngunit patuloy pa rin ang kanilang serbisyo sa mga kababayang nangangailangan ng kanilang assistance.
Sa ngayon ay nasa 12,775 na kaso ng COVID-19 sa nasabing bansa kung saan umabot na sa 705 ang naitalang namatay.