DAVAO CITY – Ikinuwento ng isang Pinoy sa Paris, France ang sobrang init na nararanasan hatid ng heat wave.
Ayon sa nakapanayam ng Bombo Radyo Davao na si Dick Villanueva na tubong Olonggapo, Zambales at kasalukuyang nagtatrabaho sa kabisera ng Pransya, nasa 38 degrees celcius ang temperatura at inaasahang aabot pa sa 40 degrees celcius ang init ng panahon doon.
Dahil dito, naging puntahan ng mga kababayan na naninirahan at nagtatrabaho sa Paris ang isang stall kung saan may binebentang Halo-halo.
Mabenta hindi lamang sa mga Pinoy, kundi pati na rin sa mga Pranses ang matamis at malamig nating panghimagas.
Isinalaysay din ni Dick na labis na naapektuhan ang kalakal at pagtatrabaho sa lugar.
Iilang tao rin sa lugar ang nakararanas ng heat stroke dahil na rin sa nangyayaring heat wave sa iilang bahagi ng Europa.
Nakakita rin ng paraan ang mamamayan ng France upang mapawi ang init na nararanasan nila tulad ng pagtampisaw sa mga fountains at iba pang katubigan.
Nagsimula ang malalang heat wave sa halos buong Europa nitong Hulyo ngayong taon.
Kasalukuyang nararanasan din ito sa Central, Silangan at Kanlurang bahagi ng Europa. Maliban sa France, nararanasan din ang heat wave sa Croatia, France, Germany, Greece, Ireland, Italy, Morocco, Poland, Portugal, Spain, Switzerland, at United Kingdom.
Ang heat wave, isang abnormal na mainit na panahon na karaniwang tumatagal ng higit sa dalawang araw.