-- Advertisements --

Nagpakitang-gilas ang mga Pilipinong siklista matapos masungkit ang 1-2 finish sa Stage Three ng 140.10-kilometrong karera ng MPTC Tour of Luzon 2026 na ginanap mula New Clark City, Tarlac patungong Palayan City Municipal Hall.

Pinangunahan nina Dave Montemayor at Marc Lago ng Go for Gold Philippines ang yugto, kung saan nagtala si Montemayor ng oras na 3:23:09 upang angkinin ang panalo, kasunod si Lago na may parehong oras. Tumabla rin sa parehong tiyempo si Sumiso Batalan ng Excellent Noodles para sa ikatlong puwesto.

Nakakuha si Montemayor ng 15 bonus points para sa kanyang impresibong pagtatapos sa Stage Three.

Samantala, nauna namang nagwagi sa Stage One (150.1 kms) si Syrian rider Ibrahim Yousef Alrefai ng LCW UAE, habang ang Seoul Continental Team ang nanguna sa Stage Two Team Time Trial (43.36 kms).

Nagkaroon din ng insidente nang sumemplang si Alrefai sa Laur matapos mabangga ng support vehicle ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines, ngunit agad rin siyang nakabalik sa peloton.

Sa overall team standings, nangunguna ang Go for Gold Philippines sa Team General Classification na may kabuuang oras na 29:07:00, sinusundan ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines (+0:00:11) at Standard Insurance Philippines (+0:00:45).