Sinang-ayunan ni BB Gandanghari ang panukalang amyendahan ang Juvenile Justice Law upang ibaba ang edad ng criminal responsibility mula 15 taong gulang pababa sa 10-anyos.
Sa isang Facebook Live ni Senator Robin Padilla, sinabi ni BB na naniniwala siya sa layunin ng naturang panukala.
Ayon kay BB, hindi umano layunin ng panukala ng kanyang kapatid na parusahan o ikulong ang mga bata, kundi magkaroon lamang ang mga ito ng takot upang maiwasan ang paggawa ng krimen.
Aniya, nais nitong magkaroon ng “deterrent” upang maging maingat ang mga kabataan sa kanilang mga ginagawa.
“So sinusulong niya ang panukalang ito hindi para ikulong ang lahat ng ten-year-olds. Ang talagang pinanggagalingan lang po no’n ay may katakutan ang mga batang ito,” saad ni BB.
Matatandaang muling nabuhay ang usapin tungkol sa pagbaba ng edad ng criminal responsibility matapos ang insidente ng pamamaril sa Tacloban City kung saan nasawi ang tatlong estudyante.
Si Senator Robin Padilla ang isa sa mga nagtutulak na pag-aralan muli ang naturang panukala.
Gayunpaman, tinutulan ito ng Akbayan Party-list at sinabing ginagamit umano ang naturang trahedya upang isulong ang panukalang hindi makabubuti sa mga bata.
Bukod sa pagbabago sa Juvenile Justice Law, nais din ni Robin na magkaroon ng limitasyon sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.















