-- Advertisements --

Tinutulan ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mga panukalang ibaba ang age of criminal responsibility kasunod ng naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 15 iba pa.

Dahil dito nanindigan ang Senate President na ‘walang dapat baguhin sa Juvenile Justice and Welfare Act (RA 9344), naniniwala siyang may kakayahan pang magbago sa pamamagitan ng tamang gabay, edukasyon, at rehabilitasyon sa mga pasilidad ng Bahay Pag-asa.

Maaaring naimpluwensyahan lamang ng mararahas na online games at content ang mga sangkot na menor de edad sa pamamaril.

Kung kaya’t iminungkahi ni Gatchalian na ipagbawal na ang paggamit ng social media sa mga batang edad 16 pababa.

Samantala, nanawagan ang Amnesty International Philippines na huwag gawing dahilan ang insidente upang ibaba ang criminal age, at iginiit na dapat tutukan ang ugat ng problema tulad ng kakulangan sa proteksyon at suporta sa mga kabataan.

Binigyang-diin din nila na ang mga batang nasasangkot sa krimen ay madalas na biktima rin ng kakulangan sa proteksyon at suporta mula sa lipunan.