-- Advertisements --

Muling ipinakita ni Ivan Anisimov ng LCW UAE Cycle ang kanyang lakas matapos masungkit ang ikalawang sunod na stage win sa MPTC Tour of Luzon 2026, sa Stage Five na may layo na 126.7 kilometro na ginanap sa Tuguegarao City Hall, Cagayan.

Nagtala ang 26-anyos na Russian cyclist ng oras na 2:47:25 sa isang masidhing mass sprint matapos ang yugto na nagsimula sa Santiago City, Isabela.

Nauna na ring nagwagi si Anisimov sa Stage Four na may layo na 165.80 kilometro mula Palayan City, Nueva Ecija hanggang Bayombong, Nueva Vizcaya, kaya’t patuloy ang kanyang impresibong kampanya sa tour.

Kapwa nagtala ng parehong oras na 2:47:25 sina Ryan Tugawin ng Excellent Noodles Cycling Team at Lee Jung Hoon ng Seoul Cycling Team, sa kabuuang 1,821.1-kilometrong 14-stage race na inihahandog ng Philippine Sports Commission katuwang ang Philippine Olympic Committee at PhilCycling.

Samantala, si Ean Cajucom ng Victoria Sports Pro Cycling ang unang back-to-back stage winner sa 2025 edition matapos dominahin ang Stages 3 at 4.

Sa kabuuang standings, patuloy na suot ni LCW UAE Cycle teammate Nikita Shulchenko ang yellow jersey matapos magtala ng overall time na 13:46:45 sa Individual General Classification. Nasa ika-24 puwesto naman ang 2025 champion na si Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling, may 3:30 minutong agwat kay Shulchenko.

Nangunguna pa rin ang Go for Gold sa Team General Classification na may kabuuang oras na 56:15:28.

Itutuloy ngayong umaga ang Stage Six na may layong 223.7 kilometro patungong Pagudpud, Ilocos Norte.