Nagbigay ng mensahe si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kabataan, estudyante, at mga magulang matapos ang magkakasunod na trahedyang naganap sa ilang paaralan sa bansa.
Nanawagan ang Pangulo ng kolektibong aksiyon para maprotektahan ang mga kabataan laban sa karahasan, kapabayaan, at iba pang panganib. Aniya, ang paaralan ay dapat maging lugar ng pagkatuto, pagbuo ng mga pangarap, at pag-unlad, hindi lugar na ikinababahala ng mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Inatasan rin ni Pangulong Marcos ang mga ahensya ng edukasyon, kapulisan, kalusugan, at mga lokal na pamahalaan na higit pang paigtingin ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa buong bansa.
Samantala, hinikayat din ng punong ehekutibo ang mga magulang na maglaan ng oras, atensyon, at pag-unawa sa kanilang mga anak dahil dito nagsisimula ang tunay na proteksyon.
Binigyang diin din ng Pangulo na ang paghingi ng tulong ay hindi tanda ng kahinaan.
















