Naniniwala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na mahahatulan ng pagkakasala ang tinaguriang “BGC Boys” matapos irekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng 44 na kasong kriminal kaugnay ng umano’y kabuuang P1.68 billion tax liabilities.
Ang tatlong dating Department of Public Works and Highways (DPWH)–Bulacan engineer ay sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza ay haharap sa 44 na kasong tax evasion dahil sa umano’y aabot sa P1.68 bilyon na kabuuang pananagutan sa buwis.
Ayon sa BIR, may nakita umanong malaking pagkakaiba sa kanilang idineklarang kita at sa kanilang mga ari-arian at gastusin.
Sinabi rin ng ahensya na may mga taon na wala umanong naisumiteng income tax return ang ilan sa kanila.
Kabilang sa inirekomendang reklamo ang 18 kaso laban kay Alcantara na may mahigit P913 milyon umanong tax liability, 10 kaso laban kay Hernandez na may mahigit P593 milyon, at 16 kaso laban kay Mendoza na may mahigit P179 milyon.
Samantala, sina Hernandez at Mendoza ay kasalukuyang nakakulong kaugnay ng hiwalay na kaso ng umano’y P92.8 million “ghost” flood control project sa Bulacan.
Si Alcantara naman ay inalis bilang respondent sa naturang kaso matapos siyang tumestigo at mailagay sa Witness Protection Program.
















