-- Advertisements --

Nahulihan ng baril at patalim ang dalawang menor de edad na estudyante sa loob ng isang paaralan sa Aparri, Cagayan noong Biyernes ng umaga, Hunyo 26.

Nabatid na nagsasagawa ng security inspection ang mga tauhan ng 1st Mobile Force Platoon ng 2nd Provincial Mobile Force Company sa Aparri School of Arts and Trade nang inspeksyunin nila ang mga bag ng ilang estudyante.

Dito nadiskubre ang isang homemade caliber .38 na baril at isang kitchen knife na dala ng dalawang lalaking mag-aaral.

Sinubukan pa umano nilang mag-cuting classes kasama ang isa pang estudyante bago sila nahuli ng mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, inamin naman umano ng mga estudyante na dinala nila ang mga armas dahil sa personal na alitan.

Tinatayang nasa edad 15-anyos na Grade 10 student ang nahulihan ng baril, habang isang 14-anyos na Grade 8 student naman ang nakitaang may dalang kutsilyo sa loob ng kaniyang bag.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente at kung may iba pang kasong maaaring isampa laban sa mga sangkot.