-- Advertisements --

Tinawanan lamang ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro ang lumabas na impormasyon na umano’y ‘nilamon siya nang buhay’ ng defense team ni Vice President Sara Duterte sa unang Pre-Trial Conference.

Ayon kay Luistro, wala itong katotohanan, at gawa-gawa lamang ang naturang impormasyon.

Bago pa man ang conference, inaasahan na aniya ng prosecution team na lumobo ang social media operations at lalong dumami ang pagkalat ng ‘fake news’, kaya’t hindi na ito ikinagulat ng lead prosecutor.

Unang kumalat ang impormasyong ‘nilamon nang buhay’ ng defense team ni VP Sara ang naturang mambabatas, sa pamamagitan ng mga online post ng supporters ni VP Sara.

Gayunpaman, tahasang sinabi ng prosecution na walang katotohanan ang mga ito, lalo na at presentasyon at pagmamarka ng ebidensiya lamang ang kadalasang ginagawa sa pre-trial conference at hindi pa nagkakaroon ng mga serye ng debate.

Sa ilalim ng naturang conference, tinatalakay ng magkabilang panig ang mga procedural matters at pagmamarka ng ebidensya bago ang mismong paglilitis na nakatakdang magsimula na sa Hulyo 6.