-- Advertisements --

Handang-handa na at kondisyon na umanong makipaglaban ang Pinoy boxer para agawin ang titulo ng undefeated Japanese boxer na WBO Asia Pacific Minimumweight title bukas, Agosto 5, sa Hyogo, Japan.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay WBF-Asia Pacific at Philippine Minimumweight champion Jake “El Bambino” Amparo, sinabi nitong nakapag-ensayo umano sila ng mahigit isang buwan para sa laban kontra sa Japanese boxer na si Goki Kobiyashi.

Si Amparo ang magiging pang-apat na Pinoy boxer na makakaharap ni Kobiyashi sa ibabaw ng ring.

Sinabi pa ng Boholano na hindi pa umano siya dapat magpakampante dahil magaling, mabilis, malakas at wala pang talo ang kanyang kalaban pero may tiwala naman umano siya sa kanyang determinasyong maipanalo ang laban.

Ito na ang kanyang pangatlong international fight kung saan ang huli ay sa bansang Thailand.

Sakali naman umanong palarin sa laban ay babalik ito sa Japan para sa isang rematch.

Si Amparo ay may hawak ngayon na record na 13 panalo, 4 talo at 1 tabla.

Humingi naman ito ng pagsuporta mula sa mga Pinoy fans at nangakong gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para maipanalo ang laban.