Napuwersa ang Pinoy boxer na si John Vincent Moralde na umurong sa nakatakda sana nitong laban sa Mehikanong si Alexis del Bosque matapos itong magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa ulat, napilitan na rin ang Top Rank Promotions na ibasura ang lightweight eight-rounder match nina Moralde at del Bosque na gaganapin sana sa The Bubble sa loob ng MGM Grand sa Las Vegas.
Sa ngayon, naka-quarantine na ang 26-anyos na si Moralde sa isang hotel.
Si Moralde, na tubong General Santos City, ay lumaban na sa Amerika nang limang beses kung saan dalawa ang panalo at tatlo ang talo.
Samantala, hindi rin natuloy ang laban ng isa pang Pinoy na si Mark John Yap kontra kay Miguel Marriaga.
Sa ginanap kasi na weigh-in, nagtala ng timbang na 136.7 pounds si Yap, sobra ng 8.7 pounds sa contracted weight na 128.
Ang Colombian boxer naman ay tumimbang ng 127.3 lbs.
Sinabi naman ni MP Promotions president Sean Gibbons na may tatlo pang personnel na kasama sa card ang nagpositibo sa virus, na kasalukuyan na ring naka-isolate.