-- Advertisements --

Pinalaya na ng Royal Canadian Mounted Police (RCMP) ang Canadian citizen na Pilipinang si Romana Didulo, ang self-proclaimed “Queen of Canada,” kasama ang 16 iba pang tagasunod nito matapos salakayin ang kanilang compound sa Richmound, Saskatchewan.

Nabatid na naaresto si Didulo at 16 pang tagasunod noong Miyerkules, Setyembre 3, matapos isilbi ang search warrant para pasukin ang isang abandonadong paaralan na pagmamay-ari ng pribadong indibidwal.

Ang compound ay naging tirahan ng tinatawag na grupong “Kingdom of Canada” na pinamumunuan ni Didulo simula pa noong 2023.

Ayon sa RCMP, nagsimula ang imbestigasyon matapos makatanggap ng ulat na armado ang loob ng gusali.

Sa kanilang pagsisiyasat, nakumpiska ng pulisya ang 13 imitation semi-automatic handguns, mas marami kaysa sa naunang ulat na apat, pati na rin ang bala at ilang electronic devices.

Magugunitang naging aktibo si Didulo sa “Freedom Convoy” noong 2022 laban sa COVID-19 health policies at idineklara ang sarili bilang “Queen of Canada.” Kilala rin ang kanyang grupo sa pagpapakalat ng anti-vaccine at mga banta laban sa mga nagbabakuna.

Bagama’t pinalaya na ang 16 katao, dalawang indibidwal ang muling inaresto. Hindi pa isinapubliko ang kanilang pagkakakilanlan habang hindi pa isinasampa ang mga pormal na kaso laban sa grupo.