Dahil pa rin sa pinahigpit na kampanya ng National Bureau of Investigation (NBI) kontra human trafficking, arestado ang isang Pinay na magpupuslit sana ng isang Pinay para gawing night worker sa Malaysia.

Ang suspek na si Judith Tiru Maquiling alyas Boss Ping/Teng ay inatesto ng NBI-International Airport Investigation Division (IAID).

Modus ng suspek na mag-recruit ng mga Pinay at i-facilitate ang pagtakas ng mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 patungong Malaysia.

Ang mga Pinay ay magtatrabaho raw bilang guest relation officer (GRO) sa Malaysia at kung pumayag ang mga ito na magkaroon ng extra service sa mga customers ay puwede silang kumita ng 500 Malaysian Ringgit o mahigit P6,000 kada oras.

Sasalang na ang suspek sa inquest proceedings sa Pasay City dahil sa paglabag sa RA 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipino Act at RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.