BACOLOD CITY – Tiniyak ng Pinay fashion designer sa Estados Unidos na magpapatuloy ito sa pagtatahi ng mga face masks na kanyang ipinamimigay sa mga medical workers habang naka-lockdown ang kanilang lugar dahil sa patuloy na pagdami ng coronavirus disease cases.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Kirsten Regalado mula sa Miami, Florida, mahigit na 200 ang fashionable face masks na kanyang natahi at naipamahagi sa mga frontliners sa iba’t-ibang estado sa US.
Aniya, kahit hindi nito kilala ay nagpapadala sa kanya ng mensahe at humihiling na papadalhan sila ng face mask ngunit aminado naman ito na karamihan sa kanyang binibigyan ay ang mga kapwa Pinoy na nagtratrabaho sa iba’t ibang ospital.
Inamin nito na mahirap maghanap ngayon ng garter ngunit gumamit sila ng ibang elastic na bagay upang makumpleto ang face mask.
Tiniyak naman ng international fashion designer na sanitized ang face masks bago ipadala sa mga recipients upang ligtas ang gagamit nito.
Nagpapasalamat naman ito dahil may isa ring Negrense na tumutulong sa kanya ngayon sa pagtatahi kayat mas marami pa ang kanilang mabibigyan.
Si Regalado ay kilala sa Miami bilang designer ng evening gown at national costumes ng mga kandidata sa Miss Universe pageant.