Bakas ang excitement ng abogadang si Bea Patricia Magtanong kaugnay sa nalalapit na 59th Miss International pageant sa darating na November 12, sa Tokyo, Japan.
Ayon sa Bar passer mula Bataan, hindi siya makapaniwala na nakaraos na ang preliminary competition kung saan inirampa nito ang national costume at official swimsuit.
Hangad daw ni Magtanong na suportahan siya hanggang sa coronation sa Martes, kung saan tatangkain nitong maibigay sa bansa ang pang-pitong Miss International crown.
“Can’t believe prelims are done! Thank you from the bottom of my heart to everybody supporting me, to my beloved Filipinos, and also to my new friends from other countries who have wished me well! I love you guys! Only a few more days left! Please continue supporting me and all of the other girls as well! ❤️ Gambarimasu!” saad nito.
Noong nakaraang taon ay abot-kamay na ng Quezon beauty na si Maria Ahtisa Manalo ang tagumpay sa kanyang pagiging first runner-up, pero wagi ang Venezuela na nagkataong birthday.
Isa si Magtanong sa 1,800 na nakapasa sa 2018 Bar Exams na sumabay sa kanyang pageant journey sa 2019 Binibining Pilipinas.
Samantala matapos ang Miss International pageant, dalawa pang major beauty pageant ang aabangan kabilang ang Miss World sa December 14 sa London at ang kumpirmadong Miss Universe coronation sa Atlanta, Georgia, sa December 8 (US time).
Pambato ng Pilipinas sa Miss World ang modelo at anak ni 1979 Miss International Melanie Marquez na si Michelle Dee, habang sa Miss Universe ay ang 23-year-old model din na si Gazini Ganados.