-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Umakyat pa sa 20 ang mga pinaniniwalaang nabiktima ng Paralytic Shellfish Poison sa bayan ng Milagros, Masbate.

Sinasabing nakakain ang mga ito ng lamang dagat na kontaminado ng red tide toxins.

Ayon kay BFAR Bicol spokesperson Nonie Enolva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagtungo na sa lugar ang mga tauhan ng ahensya upang magkolekta ng sample ng tirang pagkain ng mga biktima upang maisailalim sa laboratory examination.

Batay sa resulta ng unang lababoratory test na ginawa sa shelfish meat samples nadiskubre na nasa 60.99 hanggang 129 micrograms ng saxitoxin ang nakita sa Milagros na doble sa benchmark ng ahensya sa toxicity level.

Kaugnay nito ay nanawagan naman ang opisyal sa lokal na pamahalaan ng Milagros at mga barangay officials na paalalahanan ang mga nasa coastal comunities na iwasan ang pagkolekta ng shellfish sa lugar upang maiwasan ang kaparehong insidente.

Samantala, aminado naman si Enolva na sa nakalipas na mga dekada ay isa ang Bicol region sa karaniwang maraming naaapektuhan ng Paralytic Shellfish Poison.

Kabilang sa mga sintomas na nararamdaman ng isang pasyente ay pagtatae, pagsusuka, pamamanhid at kawalan ng koordinasyon ng katawan, pagkahilo, pamamantal ng paligid ng bibig at mukha.