-- Advertisements --
image 354

Hiniling ngayon ng mga power distributors ng mahabang pang-unawa sa mga residenteng naapektuhan ng power interruptions dahil sa bagyong Paeng.

Naitala raw kasi sa kadadaan na bagyo ang pinakamalaking bilang ng mga residenteng nawalan ng suplay ng kuryente ngayong taon na nasa apat na milyon.

Ayon sa Manila Electric Company (Meralco) nasa 4.058 million customers ang apektado ng momentary at sustained power interruptions dahil sa sama ng panahon.

Sa kabuuang bilang, nasa 504,234 customers ang nananatiling walang suplay ng kuryente sa Laguna, Cavite at ilang bahagi ng Batangas, Metro Manila, Rizal, Bulacan at Quezon.

Nagtatrabaho naman daw ang kanilang mga ground personnel at line crews bente kuwatro oras para maibalik ang suplay ng kuryente sa lalong madaling panahon.

Sa pinahahuling data naman mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ilan daw sa mga transmission lines ay nananatiling unavailable.

Kabilang sa mga linyang ito ay ang Cabanatuan-San Luis 69kV Line, Cabanatuan-Fatima 69kV Line, Gumaca-Lopez-Tagkawayan 69kV Line, Pitogo-Mulanay 69kV Line, the Batangas-Bolbok-Bauan 69 kV Line, Famy-Comon 69kV Line at ang Calaca-Nasugbu 69kV Line.

Kabilang din sa mga apektado ang backbone lines na matatagpuan sa San Juan-Calauan 230kV Line 1, Tayabas-Naga 230kV Line 2 at Tayabas-Pagbilao 230kV Line 1.

Sinabi ng NGCP na idineploy na ng mga ito ang 73 line gangs na kinabibilangan ng 600 personnel at apat na choppers na siyang mag-i-inspect at mag-a-assess sa epekto ng Tropical Storm Paeng sa kanilang operations at facilities.

Nagsagawa rin ang mga ito ng aerial inspections at simultaneous restoration activities sa mga accessible areas.