ILOILO CITY – Nagpalabas na ng kautusan ang Iloilo Provincial Government bilang hakbang upang maprotektahan ang mga Ilonggo laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito ay sa pamamagitan ng Executive Order No. 028-B ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr., bilang karagdagan na Disease Control Measures sa lalawigan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Gov. Defensor, sinabi nito na kabilang sa Disease Control Measures na ipapatupad sa lalawigan ay ang temporaryong pagkansela ng mga large scale events.
Kabilang dito ang pista sa mga bayan at barangay, alumni homecoming at iba pang pagtitipon sa loob ng 45 araw.
Ayon sa gobernador, mas mabuti na habang maaga pa ay mapigilan na ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan.
Napag-alaman na una nang kinansela ni Gov. Defensor ang graduation at recognition ceremony ng mga estudyante sa lalawigan.
Kasunod ng Executive Order, ipinagpaliban na rin ang Pintados De Passi Festival sa Passi City at ang Himod-us Festival sa bayan ng Alimodian na gaganapin sana sa susunod na linggo.