-- Advertisements --

Tinawag na sakim at swapang ni Sen. Koko Pimentel ang grupo ni Energy Secretary Alfonso Cus sa loob ng ruling party na PDP-Laban.

Sa kanyang opening remarks sa national assembly ng kanyang paksyon sa ruling party na PDP-Laban, sinabi ni Pimentel na lalabanan nila ang aniya’y mga “hijackers”.

Ikinumpara pa ni Pimentel ang grupo ni Cusi sa isang taong nakikisakay lamang sa sasakyan pero pilit na pinapaalis ang nagmamaneho rito.

“Mukhang nagandahan sila sa ating sasakyan o sadyang ang mga ito ay kolektor ng sasakyan. Ang dami na nilang sasakyan, napakasakim at swapang naman nila. Hindi natin papayagan ang pag-hijack ng ating partido,” dagdag pa ni Pimentel.

Patutsada pa ng senador, umanib lamang sa kanilang partido ang aniya’y kabilang grupo dahil ito ang convient sa kanila, pero sa oras na hindi na pabor sa kanila ay sisirain na nila ito.

Magugunita na sa mga nakalipas na buwan ay walang humpay ang palitan ng mga maanghang na salita nina Pimentel at ng paksyon ni Cusi.

Kamakailan lang idineklara ng PDP-Laban Cusi faction sina Sen. Bong Go at Pangulong Rodrigo Duterte bilang presidential at vice-presidential candidates ng kanilang hanay.

Ngayong hapon inaasahang iaanunsyo rin ng PDP-Laban Pimentel faction ang kanilang napiling kakandidato sa halalan sa susunod na taon.

Gayunman, sa harap ng hindi pagkakaintindihan ng dalawang paksyo, ang Comelec ang magdedesisyun sa huli kung sino nga ba ang lehitimo sa kanila.