-- Advertisements --
cropped students armchair

Inaasahang maantala ng dalawang linggo ang pilot run ng bagong K-10 Matatag curriculum ngayong nalalapit na school year.

Ito ay dahil pinaplantsa pa ng Department of Education (DepEd) ang listahan ng 30 pampublikong paaralan na isasama sa pilot run mula sa anim na rehiyon.

Ayon sa Second Congressional Commission on Education (Edcom II) sa naging pagpupulong noong nakaraang linggo, sinabi ng mga opisyal ng Deped na isinasapinal pa ang listahan at nakabinbin pa ang pinal na desisyon, na ipapaalam sa mga pilot school pagkatapos ng pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Sinabi din ng Edcom II na ang lumang K-10 curriculum ay gagamitin para sa unang dalawang linggo ng school year para matukoy ang participating schools saka sisimulan ang pilot testing ng nirepasong curriculum.

Ayon naman kay DepEd Bureau of Learning Delivery Leila Areola na ang lesson exemplars o models ng arawang lesson plans ay isinasapinal pa kung saan target isagawa ang distribusyon nito sa mga susunod na linggo.

Ipinunto din ng opisyal na sa kasagsagan ng konsultasyon sa mga stakeholders, maraming guro ang nagsabi na ang textbooks at quality teaching resources bilang karagdagan sa pagsasanay ay dapat na maging available bago ang pag-arangkada ng bagong curriculum.

Pagkatapos ng pilot study, ipapatupad na rin ang bagong curriculum sa kindergarten at Grade 1,4 at 7 simula ng school year 2024-2025, isusunod naman ang GRade 2, 5 at 8 sa school year 2025-2026 at Grade 3,6 at 9 sa school year 2026-2027 at panghuli sa Grade 10 sa school year 2027-2028

Ang nirepasong curriculum ay binawasan ng 70% upang makapag pokus sa foundational skills partikular na sa literacy, numeracy at socio emotional skills.

Tampok din dito ang pinaigting na peace education competencies na nakasama sa Grades 1-10 subjects kabilang ang bagong Makabansa subject, Araling Panlipunan, Science, Physical Education and Health, Values Education, Edukasyon sa Pagpapakatao, Technology and Livelihood Education, and Good Manners and Right Conduct.