-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong araw ng Biyernes, Hunyo 20, na nag-deploy na ito ng mga technical divers para magsagawa ng posibleng search at retrieval operation sa Taal Lake sa Batangas, kung saan umano’y inilibing ang mga labi ng 34 na nawawalang sabungero.

Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, inutusan niya na ang Coast Guard Special Operations Force (CGSOF) na makipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine Navy (PN) para sa agarang pagpapadala ng mga divers upang tiyakin ang ulat na may kinalaman ang lawa sa mga nawawalang sabungero.

“If the DOJ needs the expertise of our men and women to confirm or reject this piece of information as part of the case build-up, we will be there,” ani Gavan.

Magugunitang ang hakbang ay kasunod ng mga pahayag ng isang akusado na nagbunyag ng bagong impormasyon sa kaso. Ayon sa akusado sa isang panayam, ang mga nawawalang sabungero ay pinatay at inilibing aniya sa Taal Lake. Hindi tinukoy ng akusado ang mga utak sa krimen ngunit inihayag na posibleng 100 sabungero ang pinatay, hindi lamang 34.

Maalaalang nawala ang mga sabungero sa pagitan ng Abril 2021 at Enero 2022 mula sa iba’t ibang lugar sa Laguna, Batangas, Manila, at Bulacan.

Samantala, patuloy na humihiling ang mga pamilya ng mga nawawalang biktima ng katarungan at umaasang matutuklasan na ang katotohanan sa loob ng apat na taong bangungot.