Naniniwala pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakikipagalaban pa rin ang bansa sa first wave ng COVID-19.
Sa kaniyang national address nitong madaling araw ng Miyerkules, sinabi ng Pangulo na kahit tumataas ang kaso ng coronavirus sa Pilipinas ay tumataas naman ang mga gumagaling mula sa nasabing virus.
Ipinagtanggol din ng Pangulo ang pakonti-konting pagbubukas ng mga lockdown sa bansa dahil hindi kaya aniya ng gobyerno na magkaroon muli ng pagtaas ng nasabing kaso.
Kapag niluwagan aniya ang buong bansa ay tiyak na tataas ang bilang ng mga mahahawa sa deadly virus.
Umaasa pa rin ang chief executive na pagdating ng Disyembre ay posibleng magkaroon na ng bakuna laban sa coronavirus.
Magugunitang pumalo na sa 47,873 ang kabuuang kaso ng coronavirus sa buong bansa na mayroong 1,309 ang nasawi at 12,386 naman ang gumaling na.