Mahigit 300,000 kaso ng acute respiratory infection ang naitala sa bansa sa unang anim na buwan ng taong ito base sa ulat ng Department of Health (DOH).
Ipinakita ng datos na noong ikalawang quarter ng 2022, may kabuuang 340,031 katao ang dumanas ng acute respiratory infection.
Sa 340,031 na kaso, 177,946 ay babae habang 162,085 ay lalaki.
Nabatid ng DOH na ang age group na isa hanggang apat na taon ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso na may 92,350 na binubuo ng 47,129 lalaki at 45,221 ay babae.
Ang limang hanggang siyam na taong pangkat ng edad ay nakapagtala naman ng 48,225 kaso na binubuo ng 24,475 lalaki at 23,480 babae.
Sa mga rehiyon, ang Central Luzon ay nag-post ng pinakamataas na bilang ng mga kaso ng acute respiratory infection na may 134,113.
Sinundan ito ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na may 49,487 na kaso.
Nakapagtala ang Cordilleras ng 42,924 na kaso, sinundan ng Cagayan Valley na may 31,479 na kaso.
Sinabi ng mga opisyal ng kalusugan na nakapagtala ang Bicol ng 24,958 kaso.
Nauna rito, nagpahayag ang gobyerno ng suporta sa isang panawagan ng World Health Organization at mga grupong pangkalusugan sa buong mundo na naglalayong i-phase out ang fossil fuels dahil sa masasamang epekto nito sa kalusugan at kapaligiran.
Sinabi ni Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang masasamang epekto ng fossil fuel ay isa sa mga pangunahing sanhi ng mga sakit sa paghinga sa mga Pilipino.