Naghahanda na ang Pilipinas para sa pagpasok nito sa Regional Economic Cooperation Partnership (RCEP) sa Hunyo, ayon yan sa DTI.
Sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual, tinitiyak ng departamento na handa na ito para sa pagpasok sa Regional Economic Cooperation Partnership na epektibo sa ika-2 ng Hunyo.
Alinsunod sa partisipasyon nito,, tinitingnan din ng gobyerno ang paglulunsad ng Export Development Plan 2023 hanggang 2024 sa parehong buwan.
Sinabi ni Pascual na maglulunsad din ang pamahalaan ng isang forum tungkol sa international na kalakalan, na aniya ay inaasahang gaganapin taun-taon.
Nang tanungin kung paano makakatulong ang Regional Economic Cooperation Partnership sa mga Pilipino, sinabi ni Pascual na isa sa mga konkretong benepisyo na lumalabas sa mga kalakalan na ito ay ang pinabuting traction ng bansa para sa mga pamumuhunan.
Ang ibig sabihin aniya ng foreign investment ay mga bagong pabrika, mga bagong operasyon na makakatulong para sa mga trabaho para sa mamamayang Pilipino.
Nauna nang niratipikahan ng Senado ang partisipasyon ng bansa sa Regional Economic Cooperation Partnership na isang free trade agreement ng 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at China, Japan, South Korea, Australia at New Zealand.