Hindi bababa sa dalawa katao ang nasawi habang lima ang sugatan sa sumiklab na sunog sa isang residential area sa Barangay 81, Caloocan City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon , ang dalawang nasawi ay 16 anyos na babae at 52 anyos na lalaki.
Ang limang katao naman na sugatan ay dahil sa lacerations, abrasions at pagkakuryente.
Aabot naman sa mahigit 100 na indibidwal katumbas ng 70 na pamilya ang apektado ng naturang sunog.
Pumalo naman sa 80 na bahay at establishments ang natupok ng apoy.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagsimula ang apoy pasado alas 4:50 pm at kaagad na tumaas sa ikalawang alarma pasado alas 4:53 p.m.
Tuluyang naapula ang apoy pagsapit ng alas 9:57 ng gabi sa tulong mga bombero.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP kung ano ang pinagmulan ng apoy at kabuuang halaga ng pinsala nito sa mga ari-arian.