-- Advertisements --

Tiniyak ni National Security Council Spokesperson Jonathan Malaya na nakahanda ang ating bansa na tumugon sa susunod na pagkakataon na tangkain ng China na pigilin ang ikakasang rotation and resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Ito ang binigyang-diin ng opisyal kasunod ng kaniyang naging pahayag na mananatiling ang posisyon ng Pilipinas sa pagtataguyod ng karapatan at soberanya ng bansa sa naturang lugar.

Ayon kay Malaya, nagsagawa ng ilang adjustments ang mga tropa ng Pilipinas sa pagkakasa ng mga operasyon sa West Philippine Sea para kontrahin ang ginagawang mga panghaharass ng China sa mga barko ng ating bansa.

Bahagi aniya ito ng kanilang pagtalima sa una nang naging kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng counter measures laban sa mga agresibong aksyon ng China Coast Guard sa naturang lugar.

Ngunit gayunpaman ay nilinaw niya na ito ang pagpapatupad nito ay magiging “multi-dimensional” at hindi lamang purong militar.

Samantala, sa kabilang banda naman ay sinusugan din ni Malaya ang una nang naging panawagan ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa taumbayan na huwag magpapadala sa mga propaganda ng China hinggil sa nasabing isyu.

Kaugnay nito ay nagbabala rin si Malaya hinggil sa “foreign malign influence” na layunin pahinain lamang ang Pilipinas.