Mapapasama ang Pilipinas sa ilang mga bansa kung saan iikot ang FIFA Women’s World Cup Trophy sa susunod na taon bilang bahagi ng Trophy Tour.
Ito ang kinumpirma ni Philippine Football Federation (PFF) secretary-general Atty. Ed Gastanes sa ginanap na Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.
Aniya, nagsagawa na umano ng koordinasyon ang FIFA sa national federation ng Pilipinas.
Ikinatuwa naman ng national team ang hakbang ng mga organizers dahil tiyak umanong makakahatak pa ito ng suporta sa mga kababayan para sa national women’s team na Filipinas.
Kung sakaling mangyari ito, magiging big event ito at magiging bahagi rin ang mga sikat at celebrity players.
Makasaysayan ang gagawing pagsabak ng Pilipinas sa World Cup na nangyari sa unang pagkakataon at magaganap ito sa New Zealand at Australia.
Sa ginanap na draw kamakailan napunta ang Pilipinas sa Group A, kasama ang malalakas na team na New Zealand, Switzerland, at Norway.
Ang 2023 FIFA Women’s World Cup ay binubuo ng 32 mga bansa na mangyayari sa buwan ng Hulyo hanggang Agosto sa susunod na taon.