Kasalukuyang binubuo ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia ang isang joint special hiring program para sa mga skilled Filipino workers.
Ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople, ang nasabing hakbang ay dahil na rin sa pagnanais ng Saudi Arabia na mapalakas ang tourism sector nito, kung saan inaasahang tataas ang demand para sa mga skilled Filipino workers.
Sa kasalukuyan kasi aniya ay sinimulan na ng Saudi Arabia ang expansion plan nito sa sector ng turismo para lalo pang maparami ang mga bibisita sa nasabing bansa.
Umaasa ang kalihim na sa nasabing programa ay mabibigyan ang Pilipinas ng mga akma o specific na profile ng mga skilled workers na kakailanganin ng Saudi upang matugunan ito ng pamahalaan.
Kung sakali, maaari ring makipag-partnet ang DMW sa Technical Education and Skills Development Authority para lalo pang malinang ang skills ng mga manggagawang maaaring ipadala sa Saudi.
Umaasa rin ang kalihim na sa ilalim ng nasabing programa, ay lalo pang mapangalagaan ang mga manggagawang Pilipino na nagtutungo sa nasabing bansa.
Samantala, maliban sa mataas na demand ng mga skilled workers, sinabi rin ng kalihim na plano ng Saudi Arabia na magdala dito sa Pilipinas ng mas maraming investment, na siguradong magdadala ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.