-- Advertisements --
image 79

Ang physical punishment pa rin umano ang karamihan sa mga naitatalang pang-aabuso ng mga guro.

Ayon kay Department of Education (DepEd) Spokesperson Atty. Michael Poa, ito raw ang karaniwang mga reklamo na natatanggap ng kagawaran sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Sa ngayon, tuloy-tuloy daw ang pakikipag-ugnayan ng Office of the Secretary sa mga nagreklamo at sa mga concerned teams para sa isasagawang imbestigasyon.

Maliban dito, may natanggap din umano ang DepEd na reklamo sa mga gurong may kaugnayan sa sexual at verbal abuse.

Noong weekend, mayroon na raw natanggap ang DepEd na 10 hanggang sa 20 na reklamo sa kanilang mga hotlines at emails.

Noong September 8 lamang, sinabi ng DepEd na naghain na sila ng administrative charges laban sa limang guro na umano’y sangkot sa sexual harassment na nai-report sa Bacoor National High School.

Natapos na rin daw ang fact-finding o preliminary investigation sa sinasabing pang-aabuso at ang limang guro ay humaharap na sa 90-day preventive suspension.

Samantala, patuloy rin umano ang pakikipag-ugnayan ng DepEd sa mga local government units para malaman ang bilang ng mga napaulat na krimen laban sa mga estudyante.

Para rin maprotektahan ang mga estudyante sa naturang mga pang-aabuso ay plano ngayon ng DepEd na makipag-ugnayan sa mga LGUs para magbigay ang mga ito ng kahit isang security personnel kada paaralan sa pamamagitan ng kanilang special education funds.