Relax muna ang physical distancing requirement sa gagawing face to face classes sa buong bansa na nasa Alert Level 1.
Ito ang sinabi ni DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan batay aniya sa inilabas na bagong patakaran o guidelines ng Department of Health (DOH) para sa school year 2022-2023.
Sinabi ni Malaluan na sa ngayon kasi ay may limitasyon sa bilang ng mga mag-aaral na pwede lamang i-accomodate sa ilang paaralan para maobserbahan ang physical distancing.
Pero sa sandaling magbukas na muli ang mga klase sa Agosto para sa pisikal na presensiya ng mga mag aaral sa paaralan, hindi na aniya masyadong magiging istrikto sa usaping ito sa ilalim ng Alert Level 1.
Sa ngayon, sinabi ni Malaluan na nasa 80% na ng mga paaralan ang compliant sa face to face classes.
Inaasahan aniya na ngayong may school break, gugugulin ang panahong ito para maihanda ang iba pang mga paaralan para sa face to face classes sa susunod na academic year upang maging 100% na ito pagsapit ng pagbubukas ng klase.
Kaakibat nito ay ang mga kondisyong dapat ay sapat at maayos ang mga pasilidad ng eskwelahan para sa hand washing requirement.