-- Advertisements --

Kasalukuyang nasa biyahe na ang pambato ng Pilipinas na si Gazini Ganados patungo sa Atlanta, Georgia, na siyang venue ng Miss Universe coronation ngayong taon.

Kaninang umaga ang flight ni Gazini kung saan kabilang sa laman ng mga bagahe nito ay ang nasa 30 attires at 15 pares ng sapatos na kanyang gagamitin para sa ilang araw na pageant activities sa Los Angeles.

Inilarawan niya naman bilang “gorgeous” at tila pinakabonggang irarampa ng Pilipinas ang kanyang magiging national costume may “touch” ng ating pambansang ibon.

At maliban sa kanyang mga lolo at lola “in heaven,” baon din ng 23-year-old Cebuana beauty na tubong Zamboanga, ang maliit na imahe ng Santo Nino bilang dagdag sa kanyang “lucky charm.”

“I’m bringing a small image of the Santo Nino, which was passed on to me by former Binibining Pilipinas candidates from Cebu. They won,” ani Ganados.

Una nang naiulat na ibibida nito sa big day ang “phoenix walk” na aniya’y parang lumilipad ang pakiramdam habang nasa Miss Universe stage.

Sakaling palarin, ang Fil-Palestinian beauty ang panlimang Miss Universe ng bansa.

Sa darating na December 9, Manila time, ipapasa ng Pinay Miss Universe na si Catriona Magnayon Gray ang prestihiyosong korona.