Biyaheng Venezuela na ang pambato ng bansa sa Miss Grand International 2019 na si Samantha Ashley Lo.
Sa Instagram post ng Cebuana beauty, nagpahiwatig ito na baon niya sa biyahe ang pagmamahal ng kanyang mga tagasuporta na naniniwalang masusungkit nito ang unang Miss Grand International crown para sa bansa.
“Fast forward three months: The Samantha here is the product of all the love, support, and nurturing done by amazing people who constantly told her, ‘Yes you can, and you will,’” ani Lo.
Gaganapin ang Miss Grand International coronation sa Caracas, Venezuela, sa darating na October 25.
Kung maaalala, bigo ang predecessor nitong si Eva Patalinjug na makapasok sa Top 20.
Makakalaban ni Sam ang kontrobersyal na pambato ng Thailand na namintas sa pagiging mataba raw ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray.
Pero bago kay Sam, una munang malalaman ang kapalaran ni Binibining Pilipinas Globe 2019 Leren Mae Bautista.
Sa kasalukuyan ay nasa Albania na ang 26-year-old Laguna beauty at nairampa na sa pre-pageant activity ang makulay at eleganteng national costume na hango sa Maranao Princess.
Sa darating na October 22 ang coronation ng Miss Globe 2019 kung saan determinado pa rin si Leren na makapag-uwi ng korona kahit pa nagtagumpay na ito bilang Miss Tourism Queen of the Year International noong 2015.
Taong 2018 ay nagtapos sa Top 15 ang Pinay volleyball star na si Michele Gumabao.