La Union Surf
La Union Surf

LA UNION- Nagbubunyi ngayon ang mga Filipino surfers na nagbigay ng karangalan sa bansa matapos pangunahan ng mga ito ang paghahakot ng medalya sa surfing competition sa bayan ng San Juan, La Union.

Mula sa kabuuang pitong medalya na napanalunan ng Team Philippines, dalawa dito ay gold, dalawang silver at tatlong bronze.

Pumapangalawa ang Indonesian Surfers na mayroong dalawang golds, isang silver, at tatlong bronze o nasa anim ang bilang ng kabuoang medalya ang kanilang napanalunan.

Ang mga Thai surfers ay nakakuha naman ng tatlong medalya, isang silver at dalawang bronze.

Sa naturang palaro, nakakuha ng gold medals ang Filipino Surfer si Roger Casugay na nagwagi sa longboard open sa men’s category laban sa kababayan na si Rogelio Esquivel Jr. na isa na ngayong silver medalist.

Nasungkit naman ni Nilbie Blancada ang gintong medalya sa shortboard open women’s category.

Silver medal naman ang nakuha ni Jevy Mae Agudo sa longboard open category women’s category.

Dalawang bronze medal ang naiuwi ni Daisy Valdez mula sa sinalihan nitong longboard at shortboard open women’s category, habang isang bronze medal din ang napanalunan ni John Mark Tokong.