-- Advertisements --
PH Tokyo paralympics

Matapos bigong makapag-uwi ng medalya ang Pilipinas sa Tokyo Paralympic Games nais ngayon ni Philippine Paralympic Committee (PPC) president Mike Barredo na magkaroon ng sariling pasilidad ang mga para-athletes ng bansa.

Aniya, nakikita nila noon ang Philsports Complex sa Pasig City na puwedeng gamiting pasilidad pero ginawa itong quarantine facility ng pamahalaan matapos ang paglobo ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dahil dito, isang taon umanong hindi nakapagsanay ang mga atletang sumabak sa Paralympics.

Apektado rin daw ang mga atleta sa kalagayan ng COVID-19 sa lugar kung saan sila nagte-training.

Maging ang kanilang paghahanda at ang aktuwal na pagsali sa naturang sporting event ay apektado rin.

Bago pa man magbukas ang Paralympics ay nagkaroon na ng problema sa mga atleta para sa tiyansang makapagbulsa ang bansa ng medalya.

Ilang araw lamang bago tumulak ang mga atleta sa Tokyo ay nagpositibo na sa COVID-19 ang powerlifter at 2012 London Paralympic veteran na si Achelle Guion maging ang kanyang coach na si Tony Taguibao at national team chef de mission Kiko Diaz.

Pagdating ng Tokyo ay dito naman nagpositibo ang fully vaccinated nang discus thrower na si Jeanette Aceveda at para-athletic coach Bernard Buen.

Sinundan pa ito ng pagpositibo rin sa naturang virus ng taekwondo jin Allain Ganapin kaya napilitan ito at ng kanyang coach na si Dindo Simpao na umuwi na ng Manila.

Dahil dito, anim umanong mga atleta ang hindi nakapaglaro.

Kaya naman nais nilang magkaroon ng sariling pasilidad ang mga para-athletes para mas malayo ang mga ito sa panganib.

Kung maalala nong 2016 Paralympic Games sa Rio de Janeiro, nakapag-uwi noon ang Pilipinas ng bronze medal courtesy sa pamamagitan ng table tennis player na si Josephine Medina na namatay lamang noong Huwebes sa knilang bahay sa Marikina.