-- Advertisements --

Muli na naman daw humiling ang bansa ng executive clemency para kay Mary Jane Veloso na ngayon ay nakaditine pa rin sa Indonesia.,

Kung maalala, ang Filipino worker ay labindalawang taon nang nasa death row sa naturang bansa dahil sa drug-related charges.

Inanunsio ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang bagong hirit ng Pilipinas sa Indonesia kasunod nang pagbisita ni Pangulong President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa naturang bansa.

Una nang inanunsiyo ng Malacanang na naging “productive” ang three-day state visit ng pangulo sa Indonesia mula noong Setyembre 4 hanggang 6.

Sinabi ng press secretary na hiniling daw mismo ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang executive clemency para kay Veloso.

Isinagawa raw ito ni Manalo sa sidelines ng state visit ni Pangulong Marcos sa naturang bansa.

Ayon naman daw kay Minister Marsudi, ihahain nila at isasanguni sa kanilang Ministry of Justice ang naturang apela.

Tiniyak din ni Cruz-Angeles na mayroong ibinibigay na consular assistance ang Department of Foreign Affairs (DFA) kay Veloso mula noong ito ay naaresto noong 2010.

Sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan daw si Mary Jane na nakaditine sa Wonosari Women’s Penitentiary sa Yogyakarta.

Mayroon din umano itong sariling abogado na nakakaalam sa batas ng Indonesia nang tuluyang maprotektahan si Veloso.

Si Veloso ay nakaditine sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.

Mariin naman nitong itinanggi ang mga kaso laban sa kanya ay sinabling napag-utusan lamang ito na dalhin ang kontabando na nakasilid sa suitcase.

Ang naturang suitcase ay naglalaman ng 2.6 kilograms ng heroin na natagpuan sa kanyang luggage sa Yogyakarta Airport noong 2010.

Sinampahan naman ng reklamo ang kanyang mga recruiter na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao ng human trafficking, illegal recruitment at estafa cases.

Noong April 2015, nakatakda nang isalang sa firing squad si Veloso pero sa mga huling sandali ay umapela noong si dating Pangulong Noynoy Aquino III.

Pinagbigyan naman ito ni Indonesia President Joko Widodo matapos mahuli ang mga recruiter nito.