Isinusulong ngayon ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagtatayo ng Office of the Judiciary Marshals na sisiguro sa kaligtasan ng mga judiciary officials at personnel, gayundin ang pagbibigay ng pantay na hustisya para sa bansa.
Bilang co-sponsor ng Senate Bill No. 1947 o “An Act Creating the Office of the Judiciary Marshals, Defining Its Functions and Powers, Appropriating Funds Therefore and For Other Purposes,” binigyang-diin ni Dela Rosa ang kahalagahan ng agarang pagkakaroon ng Office of the Judiciary Marshals na reresolba sa magulong kaso ng pagpatay sa mga court officials sa Pilipinas.
Ikinalulungkot aniya nito na nalalagay sa bingit ng kapahamakan ang buhay ng mga judges at court officials dahil lang ginagampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin.
Noong 2016 ay umabot ng 54 hurado, prosecutors at mga abogado ang napatay.
Ang Office of the Judiciary Marshals ay magiging saklaw ng Supreme Court (SC) na magiging responsable sa seguridad, kaligtasan, at proteksyon ng mga miyembro, opisyal, personnel at ari-arian ng Judiciary. Kasama na rito ang integridad ng mga korte sa bansa, gayundin ang kanilang proceedings.
Maaari rin umano itong makipag-ugnayan sa mga otoridad upang palawigin pa ang koleksyon at paghahati-hati sa intelligence information para malaman ang mga banta na matatanggap ng publiko o gobyerno.
Ang Senate Bill No. 1947 ay ini-sponsor sa plenaryo ni Senate Committee on Justice and Human Rights Chairman Senator Richard Gordon. Isa itong substitute bill na inilatag ng komite na kumokonsidera sa parehong panukala na inihain naman nina Senators Gordon, Panfilo Lacson, Dela Rosa, at Senate President Vicente Sotto.
Alinsunod na rin ito sa 10-point agenda ni Chief Justice Disodado Peralta kabilang na ang pagpapatatag sa seguridad ng justices, judges at halls of justice.
“We hope that we can device the system, either through legislation or through court initiative, the creation of security system patterned after the United States’ marshals,” ani Peralta.
Bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at Director General ng Bureau of Corrections (BOC), naniniwala ra si Dela Rosa na ang pagkakaroon ng Judiciary Marshals ay makakatulong para tumigil na ang mga bigtime druglords mula sa pagbabanta o pag-intimidate sa mga judges na may hawak sa kanilang kaso.
“Sana wala nang judges na kayang-kayang tawagan at takutin ng mga drug lord na kahit nakapiit na dyan sa bilibid, tatakutin yung mga huwes na mag-desisyon sa kanilang mga drug cases in their favor. With the presence of these Judicial Marshals, we’ll be there to protect our esteemed judges,” saad ng senador.