BAGUIO CITY – Kinilala ng isang sikat na magazine ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang dapat at tiyak na darayuhin ng mga turista kapag humupa na ang COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) pandemic.

Maliban sa Pilipinas, kabilang pa sa mga bansang inilagay ng Forbes sa kanilang listahan ng “Best Tourist Destinations after Coronavirus” ang Ethiopia, Iran, Myanmar, Georgia, Slovenia, at Tunisia.

Ayon sa Forbes, napili nila ang mga nasabing bansa dahil sa natural nitong ganda, mga historic ruins at nakamamanghang kultura.

Sinabi rin ng Forbes na sa mahigit 7,000 isla sa Pilipinas ay hindi mauubusan ang mga turista ng mapagpipilian na pasyalan, tulad na lamang ng Palawan at Boracay.

Honda Bay Palawan
Honda Bay Palawan

Naniniwala rin naman ang American business magazine na kahit na may pandemya ay naghihintay na sa mga naturang bansa ang malaking bugso sa turismo at pagkatapos ng krisis sa COVID-19 ay nakikita nilang makikilala ang mga ito bilang world-class destinations.