Patuloy na pinag-aaralan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad na itaas ang alert status sa Bulkang Bulusan.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito “Toto” Bacolcol, patuloy nilang namomonitor ang mataas na seismic activity ng naturang bulkan sa mga nakalipas na linggo.
Inihalimbawa ng opisyal ang naitala nilang 87 volcanic earthquake nitong nakalipas na Oktobre 14, 2023.
Mula sa halos 90 na pagyanig, 29 dito ay mga volcano-tectonic o VT earthquakes na iniuugnay ng mga eksperto sa pagbitak ng mga bato sa southern at western sector ng naturnag bulkan.
Tinatayang ito ay may lalim na mula isa hanggang sa walong kilometro.
Ayon pa kay Bacolcol, patuloy ang pagbuga nito ng mapaminsalang sulfur dioxide kung saan nitong nakalipas na October 19 ay naitala ang hanggang 241 tons/day.
Ang mga nabanggit na kondisyon, ayon kay Bacolcol, ay maaaring palatandaan na nagkakaroon ng tuloy-tuloy na aktibidad sa ilalim ng naturang bulkan.
Sa kasalukuyan, ang naturang bulkan ay nasa ilalim ng Alert Level 0 na nangangahulugang ito ay nananatiling nasa normal na kondisyon.
Kung lalo pa aniyang lalakas at dadami ang mamomonitor na aktibidad ng bulkan, posible umanong ilalagay ang alert status sa ilalim ng Level 1.
Ang pinakahuling eruption ng naturang bulkan ay nangyari pa noong June ng nakalipas na taon, ngunit ito ay natukoy bilang phreatic o hindi mapaminsala.