-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang sinumang tao maging ang mga hayop ang makakahula kung kailan tatama ang lindol.

Pinabulaanan ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol ang naturang maling paniniwala kaugnay sa mga lindol sa isang news media forum.

Ayon sa Phivolcs official, maging ang manghuhula ay hindi kayang ma-predict ang mga lindol dahil wala itong siyentipikong basehan.

Tinugunan din ni Bacolcol ang matagal ng paniniwala na kayang maramdaman o mapredict ng mga hayop ang mga lindol bago pa man ito mangyari.

Aniya, bagamat maaaring mag-react ng kakaiba ang mga hayop kapag nakakarandam ng mga vibration o tunog, bago ang lindol, hindi aniya maiuugnay ang mga reaksyong ito sa prediksiyon. Giit ng opisyal na ang naturang behaviours ng mga hayop ay walang siyentipikong kaugnayan sa seismic activity o lindol.

Kaugnay nito, hinimok ng Phivolcs chief ang publiko na sumangguni lamang sa official advisories mula sa ahensiya at iwasang i-share ang hindi beripikadong impormasyon online dahil magdudulot lamang ito ng panic.

Samantala, sinabi din ni Bacolcol na posibleng abutin pa ng 400 taon bago tumama muli ang kahalintulad na malakas na lindol sa northern Cebu.

Base kasi sa historical at geological data, ayon sa opisyal inaabot ng daan-daang taon bago tumama ang panibagong malakas na lindol na kapareho nang tumama sa northern Cebu.

Subalit pagdating naman sa central at southern Cebu, wala pang gaanong sapat na datos subalit may nagpapatuloy aniyang pag-aaral dito kung saan may potensiyal na active fault sa central part ng Cebu.