Nasa 66 aftershocks ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) matapos ang malakas na lindol na tumama sa Hinatuan, Surigao del Sur kagabi, December 2, 2023.
Batay sa ulat ng Phivolcs magmula ng alas-10:43 kagabi hanggang alas-5:28 ng madaling araw kanina nakakaranas ng sunud sunod na aftershocks ang Surigao del Sur.
Ayon sa ahensiya, 12 sa mga aftershocks ay may lakas na magnitude 4.2 hanggang 6.2.
Bandang alas-10:37 kagabi nang yanigin ng magnitude 7.4 earthquake na kalaunan ay ibinaba sa 6.9 magnitude ang bayan ng Hinatuan sa Surigao del Sur.
Ang epicenter ng lindol ay sa bahagi ng karagatan na may layong 30 kilometro sa Hilagang Silangan ng Hinatuan.
Ramdam ang pagyanig sa maraming lugar sa Mindanao at maging sa ilang lugar sa Visayas, Catanduanes at Sorsogon sa Luzon.
Pinakamalakas na naramdaman ang intensity 7 sa Tandag, Surigao del Sur, intensity 6 sa Bislig Surigao Del Sur at Intensity 5 sa Cagayan de Oro City, Nabunturan, Davao de Oro at Davao City.