Mananatili umano ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) bilang pangunahing tagapangasiwa ng hosting ng bansa sa biennial multi-sport event.
Ito’y sa kabila ng ulat na ayaw na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipahawak sa PHISGOC ang pag-organisa sa palaro dahil sa sinasabing katiwalian.
Ayon kay PHISGOC Chief Executive Officer Ramon Suzara, walang katotohanan ang naturang mga paratang na ibinabase lamang sa “negative publicity.”
“I think the negative publicity doesn’t help organizing the Games. I appeal to all the media practitioners to support,” wika ni Suzara.
Mariin ding itinanggi ni Suzara ang mga alegasyon ng kurapsyon sa PHISGOC, kung saan nakalagak sa Philippine Sports Commission (PSC) ang P5-bilyong budget na inaprubahan na Kongreso para sa SEA Games ngayong taon, maging ang P1-bilyong augmentation fund.
Bukas, araw ng Miyerkules, ay magkakaroon ng “unity meeting” ang PHISGOC sa PSC at Philippine Olympic Committee (POC) upang ayusin ang mga isyu.
Una nang inihayag ni Suzara na hindi gusto ng Pangulo na hawakan lamang ng PSC at POC ang Palaro dahil nais nitong magkaroon ng kinatawan ang mga atleta, national sports associations, at ang gobyerno.