Muling pinalagan ng Pilipinas ang China nang dahil sa mga naging agresibong aksyon nito sa West Philippine Sea.
Ito ang iniuulat ng Armed Forces of the Philippines sa isang statement kung saan sinabi nito na naglabas ng magkakasunod na mga radio challenges ang BRP Benguet (LS507) laban sa People’s Liberation Army Navy Ship 621 (PLAN 621) ng China matapos ang ginawa nitong dangerous maneuvers at magtangkang tumawid sa bow ng barko ng PH Navy.
Sa ulat ay sinabi ng PH Navy na ang pag-anino ng barko ng China sa kanilang barko ay may layong 80 yarda, habang ang distansya naman sa pagitan ng dalawang barkonay umabot sa 350 meters na pinakamalapit na distansya ng mga ito, na nangyari sa layong 5.8 nautical miles sa timog-kanluran ng Pag-asa Island nang magsagawa ng regular na Rotation and Resupply Mission ang Philippine Navy sa Rizal Reef Station.
Sa inilabas na radio challenge ng BRP Benguet laban sa barkong pandigma ng China ay iginiit nito na paglabag sa Collision Regulations ang kanilang ginawang mapanganib na pag mamaniobra, kasabay ng pagpapalihis dito.
Kaugnay nito ay nagcounter-response naman ang Chinese Navy sa Philippine Navy kung saan muli nanaman nitong binanggit ang kanilang walang basehang “ten-dash line” narrative.
Ayon kay WESCOM Chief, Vice Admiral Alberto Carlos ang ganitong uri ng mga aksyon ng China ay nagdudulot ng malaking panganib sa maritime safety, collision prevention, at buhay sa karagatan ng tao sa dagat dahilan kung bakit dapat na aniyang itigil ng naturang bansa ang ganitong uri ng mga gawain at kumilos nv propesyunal nang naaayos sa International Law.
Habang hinimok naman ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang China na itigil na ang mga agresibong aksyon nito laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sapagkat nagdudulot aniya ng panganib sa buhay ng mga maritime personnel ng magkabilang panig ang ganitong gawain ng nasabing bansa.
Muling ipinaalala ng AFP na ang iligal na presensya at aktibidad ng China ay nakakasagabal sa mga lehitimong misyon ng Pilipinas. Ang pagsasagawa nito ng mga agresibong pagmamaniobra; at anumang iba pang katulad na aktibidad na lumalabag sa soberanya, sovereign rights, at hurisdiksyon ng ating bansa ay maituturing na malaking paglabag sa international law.
Kasabay nito ay muling tiniyak ng AFP na nananatili itong nakatuon sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga tauhan nito sa kasagsagan ng mga RoRe mission at iginigiit na ito ay patuloy na susunod sa rule-based international law.