Inilabas na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang operational guidelines para sa nalalapit na holiday season sa Pilipinas ngayong taon.
Sa ekskulusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, na tulad sa nakalipas na paggunita sa araw ng mga patay ay magpapatupad din ang pambansang pulisya ng maagang deployment ng mga pulis.
Kaugnay nito ay imamaximize nila ang police presence sa mga matataong lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng taumbayan, maging ang mga dayuhang maaaring bumisita at mamasyal sa bansa.
Ayon pa kay PCol. Fajardo, titiyakin ng PNP na may nakatalagang kapulisan sa mga areas of convergence sa bansa upang masiguro naman na hindi sila malulusutan ng mga mapagsamantalang loob na binabalak na magsagawa ng masasamang gawain.
Kung maaalala, una nang inatasan ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang Directorate for Operations na i-re-evaluate ang lahat ng operational plans at implementing guidelines para sa pagpapatupad ng batas at mga operasyon ng iba’t-ibang PNP Units para sa nalalapit na Holiday Season sa ilalim ng Major Events Securit framework at bilang pagsasaalang-alang na rin sa iba pang mga public activities at national events sa kaparehong panahon.