Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na palaging mag-ingat sa pagshe-share ng mga post sa iba’t-ibang social media platform.
Kasunod ito ng muling pagkalat ng videos ng mga krimen tulad ng kidnapping na ang ilan ay recycled lamang ng mga mapang-abusong indibidwal ayon sa hanay ng kapulisan.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP spokesperson, PCol. Jean Fajardo na ilan sa mga video ng krimen na nakikita natin sa social media ay staged lamang dahilan kung bakit dapat na mag-ingat ang publiko sa pagpapakalat nito.
Aniya, sakaling may concern ay dapat na makipag-ugnayan na lamang agad sa mga pinaka malapit na police station upang agad itong maaksyunan ng kapulisan.
Sa huli ay tiniyak naman ni Fajardo na gagawin ng PNP ang lahat upang agad na maresolba ang ganitong klase ng mga krimen sa lalong madaling panahon.
Matatandaan na una nang ibinahagi ng tagapagsalita na patuloy pa ang pagpapaigting ng buong hanay ng pulisya sa maximum police presenc hindi lamang sa mga paaralan kundi pati na rin sa mga public convergence o crime prone areas.