-- Advertisements --
pnp chief azurin

Mas determinado ngayon ang Philippine National Police (PNP) na gawin ang kanilang tungkulin sa pagtitiyak na maipapatupad ang peace and order sa Pilipinas.

Ito ay matapos magkaroon ng mataas na approval ratings mula sa publiko ang buong hanay ng pulisya batay sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia noong Setyembre 22.

Dito ay muling sinuri ng mga kinauukulan ang naging performance ng kasalukuyang administrasyon sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung saan ay nakakuha rin ng 67% na approval rating mula sa respondents ang PNP hinggil sa mga alalahanin ng publiko sa paglaban ng kapulisan kontra kriminalidad sa bansa.

Sa isang pahayag ay nagpaabot ng pagbati si PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa buong puwersa ng PNP dahil sa lahat nitong pagsisikap sa pagtiyak ng kapayapaan at seguridad ng bawat mamamayang Pilipino.

Aniya, ang resultang ito ay nag u-udyok sa pulisya na lalo pang pag igihan ang kanilang pagtupad sa tungkulin at walang sawang pagtutulungan sa pagsasagawa ng mga operasyon upang labanan ang kriminalidad sa bansa.

Kung maaalala una nang ipinahayag ng Gen. Azurin na magiging iba ang kaniyang istilo sa pagpapatupad ng peace and order sa bansa kung saan maiiwasang may masawing buhay sa tuwing magsasagawa sila ng kanilang mga operasyon.

Naging kontrobersyal din ang kaniyang naging pahayag na bigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga mahuhuling kriminal upang ito ay makapagsisi sa mga kasalanan at makapagbagong buhay pa, bagay na umani naman ng samu’t saring reaksyon at opinyon mula sa publiko at iba pang mga kinauukulan.