Todo paliwanang ngayon ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa isyu ng pagbisita at pakikipag-usap ng pulis sa mga mamamayahag.
Aminado kasi si PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na mayroong mali sa mga isinagawang house visit ng mga miyembre ng PNP na walang direktang order mula sa PNP national headquarters sa Camp Crame o mga regional director.
Kung maalala, napaulat na ilang mamamahayag ang binisita ng mga pulis at tinanong kung nakakatanggap ang mga ito ng banta.
Kasunod na rin ito ng pamamaslang sa journalist na si Percy Lapid.
Dahil sa insidente, maglalabas daw ang PNP ng specific guidelines kung paano makipag-ugnayan ang mga police officers sa mga media practitioners matapos ang naturang insidente.
Paliwanag pa ni Fajardo, ang instruction lamang na ibinigay sa kanila ay ang makipag-coordinate sa mga media personalities at alamin kung nakatatanggap ang mga ito ng banta.
Pero wala umanong direktang instruction mula sa national headquarters na magkaroon ng house visitation sa bahay mismo ng mga mamamahayag.
Naniniwala naman ang opisyal na posibleng iba-iba ang naging interpretation dito ng mga pulis.
Kasabay nito, ipinag-utos na rin ni National Capital Region Police (NCRPO) chief Police Brigadier General Jonnel Estomo sa lahat ng mga pulis na ihinto na ang house visits matapos magpahayag ng concern ang ilang journalists.
Ipinunto ni Estomo na ang house visitation ay paglabag sa Data Privacy Act.
Maliban dito, pinaiimbestigahan na rin daw ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang naturang isyu.
Ang Eastern Police District (EPD) ay humingi na rin ng paumanhin matapos bisitahin ng kanilang mga pulis ang dalawang mamamahayag na nakabase sa Marikina City.
Ayon kay EPD Director Police Colonel Wilson Asueta, hindi raw nila intensiyon na malabag o ma-invade ang privacy ng mga journalists na binisita ng kanilang mga tauhan.
Humingi na rin ng paumanhin si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos matapos ang pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang mamamahayag para magtanong kung nakatatanggap ang mga ito ng banta sa buhay.
Kasunod na rin ito ng pagpatay sa komentaristang si Percy Lapid.
Tiniyak ni Abalos na hindi na mauulit ang ginawa ng ilang miyembro ng PNP.